Salmo 119:105-112
Salmo 119:105-112 ASD
Ang salita ninyo ay ilaw sa aking paanan, nagbibigay-liwanag sa aking daraanan. Nanumpa ako at muling nangangako na susundin ko ang mga matuwid na utos ninyo. Hirap na hirap na po ako PANGINOON; panatilihin ninyo akong buháy ayon sa inyong pangako. Tanggapin ninyo PANGINOON ang taos-puso kong pagpupuri, at ituro ninyo sa akin ang inyong mga utos. Kahit na akoʼy palagiang nasa bingit ng kamatayan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan. Ang masasamaʼy naghanda ng patibong para sa akin, ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin. Ang inyong mga turo ang mana kong walang hanggan, sapagkat itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan. Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang dulo.











