Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Filipos 1:1-15

Filipos 1:1-15 ASND

Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod ni Jesu-Cristo. Mahal kong mga banal na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo. Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Filipos 1:1-15