Bilang 7
7
Ang mga Handog para sa Pagtatalaga ng Toldang Tipanan
1Pagkatapos maiayos ni Moises ang Tolda, winisikan niya ito ng langis at itinalaga pati ang lahat ng kagamitan nito. Ganito rin ang kanyang ginawa sa altar at sa lahat ng kagamitan nito. 2Pagkatapos, nagdala ng mga handog sa Panginoon ang mga pinuno ng Israel, na pinuno ng bawat lahi. Sila ang nakatalaga sa pagsesensus. 3Nagdala sila ng anim na kariton at 12 baka – isang kariton sa bawat dalawang pinuno, at isang baka sa bawat isa sa kanila. Dinala nila ito sa harapan ng Toldang Sambahan.
4Sinabi ng Panginoon kay Moises, 5“Tanggapin mo ang kanilang mga handog upang magamit para sa mga gawain sa Toldang Tipanan. Ibigay ito sa mga Levita ayon sa kanilang gawain.”
6Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay ito sa mga Levita. 7Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na baka sa mga angkan ni Gershon para sa kanilang gawain. 8At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron. 9Pero hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.
10Nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar noong itinalaga ito. 11Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangan na sa bawat araw, may isang pinuno na magdadala ng kanyang handog para sa pagtatalaga ng altar.”
12-83Sa ganitong paraan nila dinala ang kanilang mga handog:
Nang unang araw, si Nashon na anak ni Aminadab, na pinuno ng lahi ni Juda.
Nang ikalawang araw, si Netanel na anak ni Zuar, na pinuno ng lahi ni Isacar.
Nang ikatlong araw, si Eliab na anak ni Helon, na pinuno ng lahi ni Zebulun.
Nang ikaapat na araw, si Elizur na anak ni Sedeur, na pinuno ng lahi ni Reuben.
Nang ikalimang araw, si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno ng lahi ni Simeon.
Nang ikaanim na araw, si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno ng lahi ni Gad.
Nang ikapitong araw, si Elishama na anak ni Amihud, na pinuno ng lahi ni Efraim.
Nang ikawalong araw, si Gamaliel na anak ni Pedazur, na pinuno ng lahi ni Manase.
Nang ikasiyam na araw, si Abidan na anak ni Gideoni, na pinuno ng lahi ni Benjamin.
Nang ikasampung araw, si Ahiezer na anak ni Amishadai, na pinuno ng lahi ni Dan.
Nang ika-11 araw, si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno ng lahi ni Asher.
Nang ika-12 araw, si Ahira na anak ni Enan, na pinuno ng lahi ni Naftali.
Ang bawat isa sa kanila ay nagdala ng mga handog na ito: isang pilak na bandehado na may bigat na isaʼt kalahating kilo, at isang pilak na mangkok na may bigat na 800 gramo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang bawat isa nito ay puno ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis para sa handog sa pagpaparangal sa Panginoon. Nagdala rin ang bawat isa sa kanila ng isang gintong pinggan na may bigat na mga 120 gramo na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa at isang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog; isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis; dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing at limang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.
84Ito ang lahat ng mga handog ng 12 pinuno ng mga Israelita para sa pagtatalaga ng altar: 12 pilak na bandehado, 12 pilak na mangkok, at 12 gintong tasa.
85Ang bawat bandehadong pilak ay may bigat na isaʼt kalahating kilo, at ang bawat mangkok na pilak ay may bigat na 800 gramo. Ang kabuuang timbang nila ay mga 28 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.
86Ang 12 gintong lalagyan na puno ng insenso ay may bigat na mga 120 gramo bawat isa ayon sa bigat ng ginto sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang kabuuang timbang nila ay mga 1,440 gramo.
87Ang mga hayop na ibinigay para sa handog na sinusunog: 12 batang toro, 12 lalaking tupa at 12 lalaking tupang isang taong gulang pa lang ang edad, kasama nito ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang handog sa paglilinis: 12 lalaking kambing.
88Ang mga hayop na handog para sa mabuting relasyon: 24 na toro, 60 lalaking tupa, 60 lalaking kambing at 60 batang lalaking tupa na isang taong gulang pa lang ang edad.
Ito ang lahat ng mga handog nang italaga ang altar.
89Kapag papasok si Moises sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, naririnig niya ang boses na nakikipag-usap sa kanya galing sa gitna ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng takip ng Kahon ng Kasunduan. Doon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises.
Kasalukuyang Napili:
Bilang 7: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.