Bilang 31
31
Ang Pakikipaglaban ng mga Israelita sa mga Midianita
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Gantihan mo ang mga Midianita dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita. Pagkatapos mo itong gawin, mamamahinga ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno.”
3Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Maghanda ang iba sa inyo sa pakikipaglaban sa mga Midianita dahil gusto ng Panginoon na gantihan natin sila. 4Magpadala ang bawat lahi ng 1,000 tao sa digmaan.”
5Kaya 12,000 tao na galing sa 12 lahi ng Israel ang naghanda para sa labanan. 6Ipinadala sila ni Moises sa labanan, 1,000 mula sa bawat lahi na pinamumunuan ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Nagdala si Finehas ng mga kagamitan mula sa templo at ng mga trumpeta para sa pagbibigay-babala.
7Nakipaglaban sila sa mga Midianita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises at pinatay nila ang lahat ng lalaki. 8Kasama sa pinatay nila ang limang hari ng Midian na sina Evi, Rekem, Zur, Hur at Reba. Pinatay din nila si Balaam na anak ni Beor sa pamamagitan ng espada. 9Binihag nila ang mga babae at mga batang Midianita, at sinamsam nila ang kanilang mga hayop at mga ari-arian. 10Sinunog nila ang lahat ng bayan pati ang lahat ng kampo ng mga Midianita. 11Dinala nila ang kanilang mga sinamsam, maging tao o hayop man, 12kina Moises at Eleazar na pari at sa mga mamamayan ng Israel doon sa kanilang kampo sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
13Sinalubong sila nina Moises, Eleazar na pari at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel sa labas ng kampo. 14Nagalit si Moises sa mga opisyal ng mga sundalo na nanggaling sa digmaan. 15Sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16Sila ang mga sumunod sa payo ni Balaam sa paghikayat sa mga Israelita na itakwil ang Panginoon doon sa Peor, kaya dumating ang salot sa mamamayan ng Panginoon. 17Kaya patayin ninyo ang lahat ng batang lalaki, at ang lahat ng babaeng nasipingan na. 18Pero ang mga babaeng hindi pa nasisipingan ay itira ninyong buhay para sa inyo. 19Ang lahat sa inyo na nakapatay o nakahipo ng patay ay kailangang manatili sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sa ikatlo at ikapitong araw, kailangang maglinis kayo at ang inyong mga bihag. 20Linisin ninyo ang lahat ng damit ninyo, pati ang lahat ng kagamitang gawa sa balat o sa balahibo ng kambing o sa kahoy.”
21Pagkatapos, sinabi ng paring si Eleazar sa mga sundalo na nagpunta sa labanan, “Ito ang tuntunin ng kautusang ibinigay ng Panginoon kay Moises: 22-23Ang anumang bagay na hindi nasusunog gaya ng ginto, pilak, tanso, bakal, lata o tingga ay kailangang ilagay sa apoy para maging malinis ito. Pagkatapos, hugasan ito ng tubig na ginagamit sa paglilinis. Ang kahit anong hindi nasusunog ay hugasan lang sa tubig na ito. 24Sa ikapitong araw, kailangang labhan ninyo ang inyong mga damit at ituturing na kayong malinis, at makakapasok na kayo sa kampo.”
Ang Paghahati-hati ng mga Nasamsam
25Sinabi ng Panginoon kay Moises, 26“Bilangin ninyo ni Eleazar na pari at ng mga pinuno ng kapulungan ang lahat ng tao at hayop na nabihag. 27Hatiin ninyo ito sa mga sundalo na nakipaglaban at sa kapulungan ng Israel. 28Mula sa bahagi ng mga sundalo, magbukod ka ng para sa Panginoon, isa sa bawat 500 bihag, tao man o baka, asno, tupa, o kambing. 29Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang bahagi ng Panginoon. 30Mula sa parte ng mga Israelita, magbukod ka ng isa sa bawat 50 bihag, tao man o baka, asno, tupa, kambing o iba pang mga hayop. Ibigay ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.” 31Kaya ginawa ni Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ng Panginoon kay Moises.
32-35Ito ang nasamsam ng mga sundalo sa digmaan: 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno at 32,000 babaeng hindi pa nasipingan. 36-40Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga#31:36-40 dalaga: o, tao. na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.
41Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon. 42-46Ito ang parte ng mga Israelita na kalahati ng ibinigay ni Moises sa mga sundalong nakipaglaban: 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno at 16,000 dalaga.#31:42-46 dalaga: o, tao. 47Mula sa parteng ito ng Israelita, nagbukod si Moises ng isa sa bawat 50 tao o hayop ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. At ibinigay niya ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.
48Pagkatapos, pumunta kay Moises ang mga opisyal ng mga sundalo 49at sinabi sa kanya, “Binilang namin ang mga sundalo na sakop namin at wala ni isa mang kulang. 50Kaya inihahandog namin sa Panginoon ang gintong mga bagay na aming nakuha sa labanan – pulseras sa braso at kamay, mga singsing, mga hikaw at mga kwintas, para hindi kami parusahan ng Panginoon.”
51Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na ginto. 52Ang bigat ng mga gintong ito na dinala ng mga opisyal ng mga sundalo na inihandog ni Moises at ni Eleazar sa Panginoon ay 200 kilo. 53Itoʼy mula sa mga nasamsam ng bawat sundalo sa labanan. 54Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga opisyal ng libu-libo at daan-daang sundalo ay dinala nila ito sa Toldang Tipanan para alalahanin ng Panginoon ang mga Israelita.
Kasalukuyang Napili:
Bilang 31: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.