Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nehemias 5:1-11

Nehemias 5:1-11 ASND

Dumaing ang ibang mga lalaki at ang mga asawa nila sa kapwa nila mga Judio. Sinabi nila, “Malaki ang pamilya namin at kailangan namin ng pagkain para mabuhay.” May iba rin sa kanila na nagsabi, “Isinanla na lang namin ang mga bukirin namin, mga ubasan, at ang mga bahay namin para may makain kami sa panahon ng taggutom.” May iba pa sa kanila na nagsabi, “Nanghiram kami ng pera para makapagbayad ng buwis sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kahit kami at ang mga anak namin ay kapwa nila Judio, kinailangang ipaalipin namin sa kanila ang aming mga anak para magkapera. Sa totoo lang, ang iba naming mga anak na babae ay ipinagbili na namin bilang alipin. Wala kaming magawa dahil ang aming mga bukirin at mga ubasan ay pagmamay-ari na ng iba.” Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga hinaing nila. Pinag-isipan kong mabuti ang kalagayan nila, at pinuntahan agad ang mga pinuno at mga opisyal, at pinaratangan sila. Sinabi ko, “Ginigipit nʼyo ang mga kababayan ninyo! Sapagkat tinutubuan nʼyo pa sila kapag nanghihiram sila sa inyo ng pera.” Pagkatapos, pinatipon ko agad ang mga tao para sa isang pulong. Sinabi ko, “Sinisikap nating matubos ang mga kapwa natin Judio na nagbenta ng sarili nila bilang alipin sa mga dayuhan. Pero ngayon, dahil sa ginagawa nʼyo, napipilitan na din silang ibenta ang sarili nila bilang mga alipin. Palagi na lang ba natin silang tutubusin?” Tumahimik na lang sila dahil wala silang maidahilan. Nagpatuloy ako sa pagsasalita, “Hindi maganda ang ginagawa ninyo. Dapat sanaʼy mamuhay kayo nang may takot sa Dios para hindi tayo tuyain ng ibang mga bansang kalaban natin. Ako mismo at ang aking mga kamag-anak, pati ang mga tauhan ko ay nagpahiram ng pera at trigo sa mga kababayan nating nangangailangan. Pero huwag na natin silang pagbayarin sa mga utang nila! Ngayon din ibalik nʼyo ang mga bukirin, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga bahay ng may utang sa inyo. Ibalik nʼyo rin ang tubo ng mga pinahiram ninyong pera, trigo, bagong katas ng ubas at langis.”