Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nehemias 3:1-12

Nehemias 3:1-12 ASND

Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan at sa Tore ni Hananel. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri. Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain. Ang nagtayo ng Lumang Pintuan ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya. Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.