Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”
Habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya at sinabi, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” Pagkatapos, kumuha siya ng inumin, nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. At uminom silang lahat. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo na ibubuhos para sa maraming tao. Ito ang katibayan ng bagong kasunduan ng Dios sa mga tao. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng Dios. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin.” Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako ay muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan po kayo ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok nang pangalawang beses ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Pero iginiit pa rin ni Pedro, “Hinding-hindi ko kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pa niyang kasamahan.
Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”
Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”
Kaya nang dumating si Judas, agad siyang lumapit kay Jesus at bumati, “Guro!” sabay halik sa kanya. At dinakip agad ng mga tao si Jesus. Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. Sinabi ni Jesus sa mga humuli sa kanya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo para dakpin ako? Araw-araw ay nasa templo ako at nagtuturo, at naroon din kayo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? Ngunit kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa akin.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
May isang binata roon na sumunod kay Jesus na nakabalabal lang ng telang linen. Dinakip din siya ng mga sundalo, pero nakawala siya at tumakas nang hubad, dahil nahawakan nila ang kanyang balabal.