Kinabukasan, nang umalis sila sa Betania pabalik sa Jerusalem, nagutom si Jesus. May nakita siyang isang madahong puno ng igos. Kaya nilapitan niya ito at tiningnan kung may bunga. Pero wala siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos noon. Sinabi ni Jesus sa puno, “Mula ngayon, wala nang makakakain ng bunga mo.” Narinig iyon ng mga tagasunod niya. Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. Pinagbawalan niya ang mga taong may paninda na dumaan sa templo. Pagkatapos, pinangaralan niya ang mga tao roon. Sinabi niya, “Hindi baʼt sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan ng lahat ng bansa’? Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan.” Nabalitaan ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang ginawa ni Jesus. Kaya humanap sila ng paraan upang mapatay siya. Pero natatakot sila sa kanya dahil hangang-hanga ang mga tao sa kanyang mga turo. Kinagabihan, umalis si Jesus sa Jerusalem kasama ang mga tagasunod niya. Kinaumagahan, nang pabalik na silang muli sa Jerusalem, nadaanan nila ang puno ng igos at nakita nilang tuyong-tuyo na ito hanggang sa ugat. Naalala ni Pedro ang nangyari. Kaya sinabi niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang puno ng igos na isinumpa ninyo. Natuyo na!” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumampalataya kayo sa Dios! Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka sa dagat!’ At kung hindi kayo nag-aalinlangan kundi nananampalatayang mangyayari iyon, mangyayari nga ang sinabi ninyo. Kaya tandaan ninyo: anuman ang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin, manampalataya kayong natanggap na ninyo ito, at matatanggap nga ninyo. At kapag nananalangin kayo, patawarin nʼyo muna ang mga nagkasala sa inyo para ang mga kasalanan ninyo ay patawarin din ng inyong Amang nasa langit. [Sapagkat kung ayaw ninyong magpatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”
Basahin Marcos 11
Makinig sa Marcos 11
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Marcos 11:12-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas