Mateo 9:9-17
Mateo 9:9-17 ASD
Umalis roon si Hesus at habang siyaʼy naglalakad, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod sa kanya. Habang kumakain si Hesus at ang mga alagad niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga alagad ni Hesus, “Bakit kumakain ang guro ninyo kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?” Ngunit nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Humayo kayo at intindihin nʼyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Ang hinahangad koʼy ang maging maawain kayo, hindi ang handog ninyo.’ Sapagkat naparito ako hindi para tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.” Lumapit kay Hesus ang ilang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at tinanong siya, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Ngunit bakit hindi nag-aayuno ang mga alagad nʼyo?” Sumagot si Hesus, “Nagluluksa ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil mahihila ng bagong tela ang damit at lalo pang lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.”




