Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya. Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000. Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000. Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.
“Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’ Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’ Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’ Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa.