Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”
Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw. Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar. Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
“Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin. Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya. Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila. Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng maraming mananampalataya. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang sa wakas ay maliligtas. Ipangangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”
“Nagsalita si Propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng templo, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. Ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. Kung hindi paiikliin ng Dios ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.
“Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.
“Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ”
“Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”
“Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”
“Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ko na Anak ng Tao. Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ko na Anak ng Tao. Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay. Kaya maging handa rin kayo, dahil ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”