Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 7:39-50

Lucas 7:39-50 ASND

Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”