Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 23:44-56

Lucas 23:44-56 ASD

Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati sa dalawa. Sumigaw nang malakas si Hesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyong mga kamay ang aking espiritu!” At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib sa labis na kalungkutan. Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Hesus, pati ang mga babaeng sumáma sa kanya mula sa Galilea, habang pinanonood ang lahat ng nangyari. May isang lalaki roon na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng Sanhedrin, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Hesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Hesus. Ibinaba niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang lino. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga. Sinundan si Jose ng mga babaeng sumáma kay Hesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang bangkay ni Hesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Hesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.