Nang mga panahong iyon, ang Emperador ng Roma na si Augustus ay gumawa ng kautusan na dapat magpatala ang lahat ng mga mamamayan ng bansang nasasakupan niya. (Ito ang kauna-unahang sensus na naganap nang si Quirinius ang gobernador sa lalawigan ng Syria.) Kaya umuwi ang lahat ng tao sa sarili nilang bayan upang magpalista.
Mula sa Nazaret na sakop ng Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem na sakop ng Judea, sa bayang sinilangan ni Haring David, dahil nagmula siya sa angkan ni David. Kasama niya sa pagpapalista ang magiging asawa niyang si Maria, na noon ay malapit nang manganak. At habang naroon sila sa Betlehem, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang panganay niya, na isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, dahil walang lugar para sa kanila sa mga bahay-panuluyan.
Malapit sa Betlehem, may mga pastol na nasa parang, at nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila, pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo na siyang Panginoon. Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
“Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.” Kaya nagmamadali silang pumunta sa Betlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. At isinalaysay nila ang mga sinabi sa kanila ng anghel tungkol sa sanggol. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Pero iningatan ito ni Maria sa kanyang puso, at pinagbulay-bulayan ang lahat ng ito. Bumalik sa parang ang mga pastol na labis ang pagpupuri sa Dios dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, na ayon nga sa sinabi ng anghel.
Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang sanggol at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi.
Dumating ang araw na maghahandog sina Jose at Maria sa templo ng Jerusalem ayon sa Kautusan ni Moises patungkol sa mga babaeng nanganak upang maituring silang malinis. Dinala rin nila ang sanggol sa Jerusalem para ihandog sa Panginoon. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay kailangang ihandog sa Panginoon.” At upang maituring na malinis si Maria, naghandog sila ayon sa sinasabi ng Kautusan ng Panginoon: “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”
May isang tao roon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Matuwid siya, may takot sa Dios, at sumasakanya ang Banal na Espiritu. Naghihintay siya sa pagdating ng haring magliligtas sa Israel. Ipinahayag sa kanya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay hanggaʼt hindi niya nakikita ang haring ipinangako ng Panginoon. Nang araw na iyon, sa patnubay ng Banal na Espiritu ay pumunta siya sa templo. At nang dalhin doon nina Maria at Jose si Jesus upang ihandog sa Panginoon ayon sa Kautusan, nakita ni Simeon ang sanggol. Kinarga niya ito at pinuri ang Dios. Sinabi niya:
“Panginoon, maaari nʼyo na akong kunin na inyong lingkod,
dahil natupad na ang pangako nʼyo sa akin.
Mamamatay na ako nang mapayapa,
dahil nakita na ng sarili kong mga mata ang Tagapagligtas,
na inihanda ninyo para sa lahat ng tao.
Siya ang magbibigay-liwanag sa isipan ng mga hindi Judio na hindi nakakakilala sa iyo,
at magbibigay-karangalan sa inyong bayang Israel.”
Namangha ang ama at ina ng sanggol sa sinabi ni Simeon tungkol sa sanggol. Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria, “Ang batang itoʼy itinalaga upang itaas at ibagsak ang marami sa Israel. Magiging tanda siya mula sa Dios. Pero marami ang magsasalita ng laban sa kanya. Kaya ikaw mismo ay masasaktan, na parang sinaksak ng patalim ang puso mo. At dahil sa gagawin niya, mahahayag ang kasamaang nasa isip ng maraming tao.”
Naroon din sa templo ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Anak siya ni Fanuel na mula sa lahi ni Asher. Matandang-matanda na siya. Pitong taon lang silang nagsama ng kanyang asawa bago siya nabiyuda. At ngayon, 84 na taon na siya. Palagi siyang nasa templo; araw-gabi ay sumasamba siya sa Dios sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno. Lumapit siya nang oras ding iyon kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Dios. At nagsalita rin siya tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa araw ng pagliligtas ng Dios sa Jerusalem.