Napansin ni Hesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuang para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Pagkatapos, sinabi ni Hesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, gagantimpalaan ka ng Diyos sa araw ng muling pagkabuhay ng matutuwid.”
Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Hesus, “Pinagpala ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Diyos!”
Kinuwentuhan siya ni Hesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at nag-imbita siya ng marami. Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’
“Ngunit nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangan kong puntahan at tingnan.’
“Sabi naman ng isa, ‘Nakabili kasi ako ng sampung bakang pang-araro, at gusto ko silang subukan. Pasensya na.’
“At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’
“Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at inutusan niyang muli ang alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’
“Nang matupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’
“Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. Tinitiyak ko sa inyo, wala ni isa sa mga una kong inimbitahan ang makakatikim ng handa ko.’ ”
Maraming tao ang sumáma kay Hesus sa paglalakbay niya. Lumingon siya sa kanila at sinabi, “Ang sinumang nais sumunod sa akin, ngunit mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.
“Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin niya muna kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito. Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na matapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito. Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng tore ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’
“Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway. At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga kinatawan para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway. Gayundin naman, kung hindi ninyo magawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging alagad ko.
“Mabuti ang asin, pero kung itoʼy mawalan ng lasa, wala nang magagawa para maibalik ang alat nito. Wala na itong pakinabang kahit ihalo sa dumi para maging pataba sa lupa, kaya itinatapon na lang ito ng mga tao.
“Makinig ang sinumang may pandinig!”