Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho. Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.” Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.” Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias.
Basahin Lucas 1
Makinig sa Lucas 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Lucas 1:5-23
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas