Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 6:14-23

Leviticus 6:14-23 ASND

Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog na pagpaparangal: Ang mga paring mula sa angkan ni Aaron ang magdadala nito sa PANGINOON sa harap ng altar. Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis at dadalhin niya sa altar pati ang mga insensong inilagay sa harina. Susunugin niya ito bilang alaala sa PANGINOON. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa PANGINOON. Ang natitirang harina ay lulutuin at kakainin ni Aaron at ng kanyang mga angkan. Pero itoʼy lulutuin nilang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng PANGINOON para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing inihandog sa kanya. Ang handog na pagpaparangal sa PANGINOON ay napakabanal, katulad ng handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa PANGINOON hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang mga humahawak ng mga handog na ito ay dapat banal. Ito ang sinabi ng PANGINOON kay Moises tungkol sa handog para sa PANGINOON na iaalay ni Aaron sa araw nang ordinahan siya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya. Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina. Ito ay handog na pagpaparangal sa PANGINOON na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon. Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa PANGINOON bilang handog na pagpaparangal. Ang mabangong samyo nito ay makalulugod sa kanya. Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa PANGINOON. Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari. Ang lahat ng handog ng pagpaparangal ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya