Nabalitaan ng hari ng Jerico na may dumating na mga Israelita nang gabing iyon para magmanman sa kanila. Kaya nagpadala ng mensahe ang hari ng Jerico kay Rahab, na nagsasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”
Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga-saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Ngunit ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang lino na pinapatuyo niya roon.) Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya. Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan.
Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng PANGINOON ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo. Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng PANGINOON ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Ehipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan. Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang PANGINOON na inyong Diyos ay siyang Diyos sa langit at sa lupa.
“Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng PANGINOON na susuklian ninyo ng kabutihan ang pamilya ko dahil sa pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay na hindi ninyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan. Ipangako ninyo na hindi ninyo kami papatayin.”
Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Mamatay nawa kami kung may mangyaring masama sa inyo! Kung hindi mo ipagsasabi ang pagmanman namin dito, kabutihan ang igaganti namin saʼyo kapag ibinigay na ng PANGINOON ang lupaing ito sa amin.”
Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”
Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo, pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong mga magulang, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan. Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Ngunit may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo. Ngunit kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.”
Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.”
Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.