Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Job 33

33
1“Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo. 2Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila. 3Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman. 4Ang espiritu ng Makapangyarihang Dios ang gumawa sa akin at nagbigay buhay. 5Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako. 6Pareho lang tayo sa harapan ng Dios. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa. 7Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.
8“Narinig ko ang mga sinabi mo. Sinabi mong, 9‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama. 10Pero naghahanap ang Dios ng dahilan para akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway. 11Kinadenahan niya ang mga paa ko at binabantayan ang lahat ng kilos ko.’
12“Pero Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Dios ay higit kaysa sa tao? 13Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao? 14Ang totoo, palaging#33:14 palaging: o, iba-ibang pamamaraan. nagsasalita ang Dios, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao. 15Nagsasalita siya sa pamamagitan ng panaginip o ng pangitain habang ang taoʼy natutulog ng mahimbing sa gabi. 16Bumubulong siya sa mga tainga nila para magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila. 17Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas, 18at para mailigtas sila sa kamatayan. 19Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto, 20at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain. 21Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang. 22Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.
23“Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid, 24kahahabagan siya ng Dios.#33:24 Dios: o, anghel. At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’ 25Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan. 26At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay. 27Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin. 28Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’
29“Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao. 30Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.
31“Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita. 32Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan. 33Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”

Kasalukuyang Napili:

Job 33: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in