Job 12
12
Sumagot si Job
1Sumagot si Job, 2“Ang akala nʼyo baʼy kayo lang ang marunong at wala nang matitirang marunong kapag namatay kayo? 3Ako man ay marunong din gaya ninyo; hindi kayo nakahihigit sa akin. Alam ko rin ang lahat ng sinasabi ninyo. 4Pero naging katawa-tawa ako sa aking mga kaibigan, kahit na matuwid ako at walang kapintasan, at kahit sinagot ng Dios ang mga dalangin ko noon. 5Ang mga taong naghihirap na gaya ko na tila mabubuwal ay kinukutya ng mga taong walang problema. 6Pero ang mga tulisan at ang mga taong ginagalit ang Dios ay namumuhay ng payapa gayong ang dinidios nilaʼy ang sarili nilang kakayahan.
7-8“Matututo ka sa ibaʼt ibang hayop – ang lumalakad, lumilipad, gumagapang, at ang lumalangoy. 9Sapagkat alam nila na ang Panginoon ang may gawa nito.#12:9 ang may gawa nito: Siguro ang ibig sabihin nito, ang mga bagay na nangyayari sa mundo pati na ang paghihirap ay ayon sa kalooban ng Dios. 10Nasa kamay niya ang buhay o hininga ng bawat nilalang, pati na ng tao. 11Kung alam ng dila ng tao kung alin ang masarap o hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga ng tao kung alin ang mabuti o masamang salita. 12Maraming alam sa buhay ang matatanda, dahil habang tumatagal ang buhay nila, lalong dumarami ang kanilang nalalaman.
13“Pero ang Dios ay hindi lang nagtataglay ng karunungan, nasa kanya rin ang kapangyarihan, at siya lang ang nakakaunawa kung ano ang dapat gawin. 14Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong. 15Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa. 16Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya. 17Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom. 18Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag. 19Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan. 20Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda. 21Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan. 22Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag. 23Pinalalakas niya ang mga bansa at pinapalawak ang kanilang teritoryo, pero ibinabagsak din niya ito at winawasak. 24Ginagawa niyang mangmang ang kanilang mga pinuno at inililigaw sila sa ilang. 25Kaya para silang bulag na kumakapa sa dilim at sumusuray-suray na parang lasing.
Kasalukuyang Napili:
Job 12: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.