Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 9:1-17

Juan 9:1-17 ASND

Habang naglalakad si Jesus, may nakita siyang isang lalaki na ipinanganak na bulag. Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Guro, sino po ba ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang mga magulang niya?” Sumagot si Jesus, “Hindi siya ipinanganak na bulag dahil nagkasala siya o ang mga magulang niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya. Hindi baʼt nagtatrabaho ang tao sa araw dahil hindi na siya makakapagtrabaho sa gabi? Kaya dapat gawin na natin ang mga ipinapagawa ng Dios na nagpadala sa akin habang magagawa pa natin. Sapagkat darating ang araw na hindi na natin magagawa ang ipinapagawa niya. Habang ako ay nasa mundong ito, ako ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa mga tao.” Pagkasabi niya nito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik mula sa dura at ipinahid niya sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya. Dahil dito, nagtanungan ang mga kapitbahay niya at ang iba pang mga nakakita sa kanya noong namamalimos pa siya. Sinabi nila, “Hindi baʼt siya ang dating nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng iba, “Siya nga.” Pero sinabi naman ng iba, “Hindi, kamukha lang niya iyon.” Kaya ang lalaki na mismo ang nagsabi, “Ako nga iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos.’ Kaya pumunta ako roon at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Nagtanong ang mga tao, “Nasaan na siya?” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam.” Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw noon ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at pinagaling ang bulag. Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi ng lalaki, “Nilagyan ni Jesus ng putik ang mga mata ko. Naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” Sinabi ng ilang Pariseo, “Hindi mula sa Dios ang taong gumawa nito, dahil hindi niya sinusunod ang utos tungkol sa Araw ng Pamamahinga.” Pero sinabi naman ng iba, “Kung makasalanan siya, paano siya makakagawa ng ganitong himala?” Hindi magkasundo ang mga opinyon nila tungkol kay Jesus. Kaya tinanong ulit ng mga Pariseo ang dating bulag, “Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling ka niya?” Sumagot ang lalaki, “Isa po siyang propeta.”

Kaugnay na Video