Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila kay Jesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman. Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”
Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas. Ang Dios ang aming Ama.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”
Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago si Jesus at umalis sa templo.