Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 20:1-22

Juan 20:1-22 ASD

Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito. Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na malapit sa puso ni Hesus. At sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan siya dinala.” Kaya tumakbo si Pedro papunta sa libingan kasama ang nasabing alagad. Pareho silang tumakbo, pero mas mabilis ang isa kaysa kay Pedro, kaya nauna itong nakarating sa libingan. Yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang lino na ipinambalot kay Hesus, pero hindi siya pumasok. Kasunod naman niyang dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa loob ng libingan. Nakita niya roon ang mga telang lino, maging ang ipinambalot sa ulo ni Hesus. Nakatiklop ito sa mismong lugar nito, at nakahiwalay sa mga telang lino. Pumasok na rin ang alagad na naunang nakarating, at nakita rin niya ang mga ito. Kahit na hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa sinasabi ng Kasulatan na si Hesus ay muling mabubuhay, naniwala siya. Pagkatapos nito, umuwi ang dalawang alagad. Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Hesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero doon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Hesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro”). Sinabi ni Hesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Diyos na inyong Diyos.” Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga alagad ni Hesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinasasabi ni Hesus. Nang takip-silim na ng araw na iyon ng Linggo, nagsama-sama ang mga alagad ni Hesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Hudyo. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. Muling sinabi ni Hesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu.