Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 14:1-21

Juan 14:1-21 ASND

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang kayo dahil sa mga ginawa ko. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ko na kanyang Anak. Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan. “Kung mahal nʼyo ako, susundin nʼyo ang aking mga utos. At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong na sasainyo magpakailanman. Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mga taong makamundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Pero kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at sasainyo magpakailanman. “Hindi ko kayo iiwan ng walang kasama; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mga tao sa mundo, pero makikita nʼyo ako. At dahil buhay ako, mabubuhay din kayo. Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. “Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.”