Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 14:1-10

Juan 14:1-10 ASND

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko.