Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 13:6-17

Juan 13:6-17 ASND

Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.) Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.