Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 13:18-30

Juan 13:18-30 ASND

“Hindi ko sinasabing mapalad kayong lahat, dahil kilala ko ang mga pinili ko. Pero kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ‘Trinaydor ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na ako nga ang Cristo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 13:18-30