Kaya muling sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan na dinadaanan ng mga tupa. May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng aking mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap. “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila. Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol. “Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay.
Basahin Juan 10
Makinig sa Juan 10
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Juan 10:7-17
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas