Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 1:19-28

Juan 1:19-28 ASD

Ito ang patotoo ni Juan nang magsugo sa kanya ang mga pinunong Hudyo mula sa Jerusalem ng mga pari at mga naglilingkod sa Templo, upang tanungin kung sino talaga siya. Walang pag-aalinlangang tinapat sila ni Juan at sinabi, “Hindi ako ang Mesias.” Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Muli nilang tinanong si Juan, “Ikaw ba ang Propeta?” “Hindi rin,” sagot niya. Kaya sinabi nila sa kanya, “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” Sumagot si Juan ayon sa sinabi ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daan para sa Panginoon.’ ” Kaya ang mga sinugo kay Juan na mula sa mga Pariseo ay muling nagtanong, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Mesias, o si Elias, o ang Propeta?” Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit nariyan ngayon sa inyong kalagitnaan ang isang taong hindi ninyo nakikilala. Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, na kahit ang magkalag ng tali ng kanyang sandalyas ay hindi ako karapat-dapat.” Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.