Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya.
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ ”
Sa kasaganaan ng kanyang biyaya ay tumanggap tayong lahat ng sunud-sunod na pagpapala. Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Wala pang nakakita sa Dios Ama kahit kailan, ngunit ipinakilala siya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak, na Dios din nga at kapiling ng Ama.
Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan. “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,
Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”
Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo. Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala. Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”
Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.
Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. Sinabi niya sa mga tao, “Narito na ang Tupa ng Dios na ihahandog upang mag-alis ng kasalanan ng mga tao sa mundo! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’