Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza na isang lungsod ng Filisteo. May nakilala siya roon na isang babaeng bayaran, at sumiping siya sa babaeng iyon. Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at binantayan ang pintuan ng lungsod buong gabi. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw. Pero sumiping si Samson sa babae hanggang hatinggabi lang. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron.
Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila. Pinuntahan ng limang pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, para maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.”
Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?” Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas.
Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang.
Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ng pitong tirintas ang buhok ko sa teral at ipinulupot sa isang tulos, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
Kaya nang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ng pitong tirintas ang buhok ni Samson sa teral, at sumigaw agad, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Nagising si Samson at mabilis niyang tinanggal ang buhok niya sa teral.
Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.” Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito. Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila. Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila. Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng PANGINOON. Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo.