Kaya sumáma si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng PANGINOON, inulit ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.
Nagsugo si Jefta ng mga mensahero upang itanong sa hari ng mga Amonita kung bakit nila nilulusob ang Israel.
Ito ang sagot ng hari ng mga Amonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Ehipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Ilog Arnon papunta sa Ilog Jaboc, hanggang sa Ilog Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang mapayapa.”
Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Amonita para sabihin,
“Ito ang sabi ni Jefta: Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Amon. Nang umalis sa Ehipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kades. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kades.
“Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Ilog Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.
“Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Hesbon) upang hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito upang makarating sila sa lugar nila. Ngunit hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita.
“Ngunit ibinigay ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, si Sihon at ang kanyang mga sundalo sa kamay ng mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon. Nasakop nila mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Jordan.
“Ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Cemos na inyong diyos. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng PANGINOON naming Diyos. Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? May tatlong daang taon nang nakatira ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang PANGINOON na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”
Ngunit hindi pinansin ng hari ng mga Amonita ang mensahe ni Jefta.
At pinuspos ng Espiritu ng PANGINOON si Jefta. Pumunta siya sa Gilead at sa Manases upang tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Amonita. Nangako si Jefta sa PANGINOON. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Amonita, iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”
Nakipaglaban si Jefta sa mga Amonita, at pinagtagumpay siya ng PANGINOON. Natalo niya ang mga Amonita, mula sa Aroer, sa paligid ng Minit, hanggang sa Abelqueramim; sa kabuuan, dalawampung bayan. Sa gayon, nagapi ng mga Israelita ang mga Amonita.
Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit, at sinabi, “Anak ko, dinurog mo ang puso ko. Ang sakit naman nito! Sapagkat nangako ako sa PANGINOON, at hindi ko na ito mababawi pa.”
Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa PANGINOON, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng PANGINOON sa mga kalaban nʼyong mga Amonita. Ngunit may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok upang makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.”
Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya upang maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa PANGINOON, at namatay ang kanyang anak na isang birhen.
Dito nagmula ang kaugalian ng Israel na sa bawat taon, nagpapabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.