Itong Toldang Sambahan na ginawa nila ay may dalawang silid. Ang unang silid ay ang Banal na Lugar, kung saan naroon ang ilawan, ang mesa, at ang tinapay na handog sa Dios. Ang ikalawang silid ay ang Pinakabanal na Lugar. Naroon ang gintong altar na pinagsusunugan ng insenso at ang Kahon ng Kasunduan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kahon ang lalagyang ginto na may lamang “manna”, ang tungkod ni Aaron na nagkasibol, at ang malapad na mga bato kung saan nakaukit ang mga utos ng Dios. Sa ibabaw ng Kahon ay may mga kerubin na nagpapahiwatig ng presensya ng Dios, at nilililiman ng mga pakpak nito ang lugar na iyon kung saan pinapatawad ng Dios ang mga kasalanan ng tao. Ngunit hindi namin ito maipapaliwanag nang detalyado sa ngayon. Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng Toldang Sambahan. At araw-araw pumapasok ang mga pari sa unang silid ng Tolda para gampanan ang tungkulin nila. Ngunit ang punong pari lang ang nakakapasok sa Pinakabanal na Lugar at minsan lang sa isang taon. At sa tuwing papasok siya rito, naghahandog siya ng dugo para sa sarili niyang mga kasalanan at sa mga kasalanang nagawa ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Sa ginagawa nilang ito, ipinapakita ng Banal na Espiritu na hindi makakapasok sa Pinakabanal na Lugar ang karaniwang tao hanggaʼt naroon pa ang dating Toldang Sambahan. Ang Toldang iyon ay larawan lang ng kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mga handog at kaloob na iniaalay doon ng mga tao ay hindi nakapaglilinis ng kanilang konsensya. Ang mga ginagawa nilang itoʼy nauukol lang sa mga pagkain at inumin at mga seremonya ng paglilinis. Mga tuntuning panlabas lamang ito na ipinapatupad hanggang sa dumating ang bagong pamamaraan ng Dios.
Basahin Hebreo 9
Makinig sa Hebreo 9
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Hebreo 9:2-10
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas