Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Hebreo 13:10-25

Hebreo 13:10-25 ASND

Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila. Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo. Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan. Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang. Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios. Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espiritwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Dios sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo. Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay. At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon. Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan. Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito. Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko riyan. Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga pinabanal ng Dios. Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italia. Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.