Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.” Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob. Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau. Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut. Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram, muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob. Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.
Basahin Genesis 35
Makinig sa Genesis 35
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Genesis 35:1-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas