Nang tumanaw si Jacob, nakita niya si Esau na paparating kasama ang 400 lalaki. Kaya pinasama niya ang mga anak niya sa kani-kanilang ina. At pag-alis nila, pinauna niya ang dalawang aliping babae at ang mga anak nila, sumunod si Lea at ang mga anak niya, at si Raquel at ang anak niyang si Jose. Si Jacob ay nasa unahan nilang lahat at halos ilang beses siyang yumukod habang papalapit siya sa kanyang kapatid.
Pero tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa. Nang makita ni Esau ang mga babae at ang mga bata, tinanong niya si Jacob, “Sino ang mga kasama mong iyan?”
Sumagot si Jacob, “Sila ang aking mga anak na ibinigay sa akin ng Dios dahil sa kanyang awa.”
Lumapit agad kay Esau ang dalawang alipin na babae at ang mga anak nila, at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. Sumunod din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Ang huling lumapit at yumukod ay si Jose at ang ina niyang si Raquel.
Nagtanong pa si Esau kay Jacob, “Ano ba ang ibig sabihin ng mga grupo ng hayop na nasalubong ko?”
Sinabi ni Jacob, “Regalo ko iyon sa iyo para tanggapin mo ako.”
Pero sumagot si Esau, “Marami na ang ari-arian ko, kaya sa iyo na lang iyon.”
Pero nagpumilit si Jacob, “Sige na, tanggapin mo na iyon. Kung totoong pinatawad mo na ako, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Sapagkat nang makita ko ang mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang mukha ng Dios. Tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo dahil napakabuti ng Dios sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.
Pagkatapos, sinabi ni Esau, “Halika na, sabay na tayong umalis.”
Pero sumagot si Jacob, “Alam mong mabagal maglakad ang mga bata, at kailangan kong alagaan nang mabuti ang mga hayop na nagpapasuso. Kung pipilitin natin ang mga hayop na maglakad sa buong araw, baka mamatay sila. Ang mabuti pa, mauna ka na lang sa amin. Susunod kami sa iyo ayon sa bilis ng mga bata at ng mga hayop na kasabay namin. Doon na lang tayo magkita sa Seir.”
Sinabi ni Esau, “Kung ganoon, ipapaiwan ko na lang ang iba kong mga tauhan sa iyo.”
Sumagot si Jacob, “Hindi na kailangan. Ang mahalaga pinatawad mo na ako.”
Kaya bumalik na lang si Esau sa Seir nang mismong araw na iyon. Pero sina Jacob ay pumunta sa Sucot. Pagdating nila roon, gumawa si Jacob ng tirahan at ginawaan din niya ng silungan ang mga hayop niya. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Sucot.