Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 3:1-13

Genesis 3:1-13 ASND

Sa lahat ng hayop na nilikha ng PANGINOONG Dios, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?” Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Dios na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.” Pero sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.” Nang pinagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga ay parang masarap kainin, at dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos para ipantakip sa kanilang katawan. Pagdating ng hapon, narinig nila na lumalakad ang PANGINOONG Dios sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon. Pero tinawag ng PANGINOONG Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” Nagtanong ang PANGINOONG Dios, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.” Tinanong ng PANGINOONG Dios ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”