Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 25:21-34

Genesis 25:21-34 ASND

Dahil baog si Rebeka, nanalangin si Isaac sa PANGINOON na magkaanak ito. Tinugon ng PANGINOON ang dalangin niya, kaya nagbuntis si Rebeka. Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeka, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa PANGINOON tungkol dito. Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Manggagaling sa dalawang sanggol na nasa tiyan mo ang dalawang bansa; dalawang grupo ng mga tao na maglalaban-laban. Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa. Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.” Nang nanganak na si Rebeka, kambal ang anak niya. Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau. Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kapatid, kaya pinangalanan nila siyang Jacob. Si Isaac ay 60 taong gulang nang manganak si Rebeka ng kambal. Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging maliksing mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda. Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, pero si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeka. Isang araw, habang nagluluto si Jacob ng sabaw, dumating si Esau galing sa pangangaso na gutom na gutom. Sinabi niya kay Jacob, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula-pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako.” (Kaya tinatawag din si Esau na Edom.) Pero sumagot si Jacob, “Bibigyan kita nito kung ibibigay mo sa akin ang karapatan mo bilang panganay.” Sinabi ni Esau, “Sige, ano bang gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.” Sumagot si Jacob, “Kung ganoon, sumumpa ka muna sa akin,” Kaya sumumpa si Esau na mapupunta kay Jacob ang karapatan niya bilang panganay. Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at sabaw. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad. Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.