Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat. Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.
Nang likhain ng PANGINOONG Dios ang mundo at ang kalangitan, wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa. Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.
Nilikha ng PANGINOONG Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.
Pagkatapos, nilikha rin ng PANGINOONG Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. At pinatubo ng PANGINOONG Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.
Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix. Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush. Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
Pinatira ng PANGINOONG Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”
Pagkatapos, sinabi ng PANGINOONG Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” Nilikha ng PANGINOONG Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan, wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. Kaya pinatulog ng PANGINOONG Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng PANGINOONG Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. Ang tadyang na kinuha ng PANGINOONG Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.
Sinabi ng lalaki,
“Narito na ang isang tulad ko!
Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”
Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.
Nang panahong iyon, kahit huboʼt hubad silang dalawa, hindi sila nahihiya.