Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Shinar, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, at Haring Tidal ng Goyim ay nakipaglaban kina Haring Bera ng Sodom, Haring Birsha ng Gomora, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboyim, at sa hari ng Bela na tinatawag din na Zoar. Nagtipon ang limang haring ito kasama ang kanilang mga sundalo roon sa Lambak ng Sidim na tinatawag ngayon na Dagat na Patay. Ang mga haring ito ay sinakop ni Kedorlaomer sa loob ng 12 taon, pero nang ika-13 taon, nagrebelde sila laban sa kanya.
At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar.
Ngayon, tinipon ng mga hari ng Sodom, Gomora, Adma, Zeboyim at Bela ang mga sundalo nila sa Lambak ng Sidim at nakipaglaban sila kina Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim, Haring Amrafel ng Shinar, at Haring Arioc ng Elasar – limang hari laban sa apat na hari. Ngayon, ang Lambak ng Sidim ay may maraming malalim na hukay na pinagkukunan ng aspalto. At nang tumakas ang hari ng Sodom at ng Gomora kasama ang mga tauhan nila, nahulog sila sa mga balon, pero ang iba nilang kasama ay tumakas sa mga bundok. Ang lahat ng ari-arian ng Sodom at Gomora pati ang mga pagkain nila ay kinuha ng mga kalaban nila. Nabihag din nila si Lot na pamangkin ni Abram at kinuha ang mga ari-arian nito, dahil doon siya nakatira sa Sodom. Pagkatapos itong makuha ng mga kalaban, umalis agad sila.