Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 1:20-31

Genesis 1:20-31 ASND

Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang hayop sa tubig at magsilipad ang ibaʼt ibang hayop sa himpapawid.” Kaya nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magpakarami kayo, kayong mga hayop sa tubig at mga hayop na lumilipad.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw. Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng hayop sa lupa: mga hayop na maamo at mailap, malalaki at maliliit.” At iyon nga ang nangyari. Nilikha ng Dios ang lahat ng ito at nasiyahan siya sa nakita niya. Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad at gumagapang.” Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis niya. Binasbasan niya sila at sinabi, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.” Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga para inyong kainin. At ibinibigay ko sa lahat ng hayop ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At iyon nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Dios ang lahat niyang nilikha at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaanim na araw.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Genesis 1:20-31