Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. Ang lupa noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na pumapaibabaw sa lahat ay balot ng kadiliman, at ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng tubig.
Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. Nasiyahan ang Diyos sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, ihiniwalay niya ang liwanag sa kadiliman. Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng kalawakan na maghihiwalay sa tubig sa dalawang bahagi.” At nagkaroon nga ng kalawakan na naghihiwalay sa tubig sa itaas at sa tubig sa ibaba. Ang kalawakang itoʼy tinawag ng Diyos na “langit.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalawang araw.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magsama sa isang lugar ang tubig sa ilalim ng langit para lumitaw ang tuyong bahagi.” At iyon nga ang nangyari. Tinawag ng Diyos na “lupa” ang tuyong lugar, at “dagat” naman ang nagsamang tubig. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magsitubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman: ang mga tanim na namumunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. Tumubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman: ang mga tanim na namumunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikatlong araw.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga ilaw sa kalawakan upang ihiwalay ang araw sa gabi, at magsilbing palatandaan ng mga panahon, araw at taon. Magniningning ang mga ito sa kalawakan upang magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking ilaw: Ang mas malaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas maliit ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay ng Diyos ang mga ito sa kalawakan upang magbigay-liwanag sa daigdig, upang pamunuhan ang araw at gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa dilim. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Mapuno ang tubig ng napakaraming uri ng nilalang at magsilipad ang mga ibon sa himpapawid.” Kaya nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng nilalang na pumupuno at gumagalaw sa tubig, at ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magkaanak kayo at magpakarami, kayong mga nilalang sa tubig, at punuin ninyo ang mga dagat, at magpakarami kayo, kayong mga ibon.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.
Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng nilalang sa lupa: mga hayop na maaamo at maiilap, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang.” At iyon nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop na maiilap at maaamo, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang sa lupa. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya.