Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Galacia 5:1-14

Galacia 5:1-14 ASND

Pinalaya tayo ni Cristo sa ilalim ng Kautusan. Kaya manindigan kayo sa pananampalataya nʼyo at huwag na kayong magpaaliping muli. Tandaan nʼyo ang sinasabi ko: Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo na kung magpapatuli kayo para maging katanggap-tanggap sa Dios, mawawalan ng kabuluhan ang ginawa ni Cristo para sa inyo. Inuulit ko na ang sinumang magpapatuli para maging katanggap-tanggap sa Dios ay obligadong sumunod sa buong Kautusan. Kayong mga nagsisikap na ituring na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng Kautusan ay nahiwalay na kay Cristo. Nahiwalay na kayo sa biyaya ng Dios. Ngunit umaasa kami at nananalig na sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya namin, ituturing kaming matuwid ng Dios. Sapagkat sa mga nakay Cristo, walang halaga ang pagiging tuli o hindi. Ang tanging mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa pamamagitan ng pagmamahalan. Mabuti noon ang mga ginagawa ninyo. Sino ang pumigil sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? Hindi maaaring ang Dios ang pumigil sa inyo dahil siya ang tumawag sa inyo sa pananampalataya. Isipin nʼyo sana na ang maling aral ay parang pampaalsa na kahit kaunti ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina. Umaasa ako sa Panginoon na hindi kayo magpapadala sa ibang pananaw. Parurusahan ng Dios ang mga nanggugulo sa inyo maging sino man sila. May mga nagsasabing itinuturo ko raw na kailangan ang pagtutuli para maging katanggap-tanggap sa Dios. Kung totoo iyan, mga kapatid, bakit inuusig pa rin ako hanggang ngayon? At kung iyan nga ang itinuturo ko, walang kabuluhan ang mensahe tungkol sa kamatayan ni Cristo sa krus, ang mensaheng hindi matanggap ng iba. At sa mga nanggugulo naman sa inyo, hindi lang sana sila magpatuli kundi magpakapon na rin. Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan nʼyo para pagbigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sa halip, magmahalan kayoʼt magtulungan. Sapagkat ang buod ng buong Kautusan ay nasa isang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”