Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Galacia 3:13-22

Mga Taga-Galacia 3:13-22 ASD

Ngunit walang makakasunod sa lahat ng sinasabi sa Kautusan kaya dapat sana tayong maparusahan lahat. Ngunit ngayon, tinubos na tayo ni Kristo sa sumpa nito. Isinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang bawat binibitay sa puno.” Ginawa ito ng Diyos upang ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham ay matanggap din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus; at upang matanggap natin ang ipinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. Mga kapatid, bibigyan ko kayo ng halimbawa. Hindi maaaring basta na lang ipawalang-bisa o dagdagan ang anumang kasunduang nalagdaan na. Ganoon din sa mga pangako ng Diyos. Nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang apo. Hindi niya sinabi, “sa iyong mga apo” na nangangahulugang marami, kundi “sa iyong apo” na ang ibig sabihin ay isa lamang, at itoʼy walang iba kundi si Kristo. Ito ang ibig kong sabihin: May kasunduang ginawa ang Diyos kay Abraham, at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Diyos sa kanya 430 taon bago niya ibinigay ang Kautusan. Kaya ang pangakong iyon ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Sapagkat kung matatanggap natin ang pagpapala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, walang kabuluhan ang pangako ng Diyos kay Abraham. Ngunit ang totoo, ibinigay ng Diyos ang pagpapala bilang pagtupad sa pangako niya. Kung ganoon, ano ba ang silbi ng Kautusan? Ibinigay ito upang malaman ng tao na nagkakasala sila. Ngunit itoʼy hanggang sa dumating lamang ang ipinangakong apo ni Abraham. Ibinigay ng Diyos ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, at sila ang nagbigay nito sa mga tao sa tulong ng isang tagapamagitan. Ngunit ang pangako ay hindi tulad nito. Dahil nang ibigay ito ng Diyos kay Abraham, hindi siya gumamit ng tagapamagitan o mga anghel kundi siya mismo. Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Diyos upang ituring tayong matuwid. Ngunit sinasabi sa Kasulatan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Hesu-Kristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Diyos.