Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezra 10:1-15

Ezra 10:1-15 ASND

Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng templo ng Dios, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Shecania na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Dios natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Pero sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan ng Israel. Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Dios. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Dios na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan. Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.” Kaya tumayo si Ezra at pinanumpa niya ang mga namumunong pari, mga Levita, at ang lahat ng mga Israelita, na gagawin nila ang sinasabi ni Shecania. At nanumpa sila. Pagkatapos, umalis si Ezra sa harapan ng templo ng Dios at pumunta sa kwarto ni Jehohanan na anak ni Eliashib. Pagdating niya roon, hindi siya kumain at uminom, dahil nalulungkot siya dahil hindi naging tapat ang mga Israelitang bumalik mula sa pagkabihag. Ipinabatid ng mga pinuno at mga tagapamahala sa mga Israelita sa buong Juda pati na sa Jerusalem na ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay magtipon sa Jerusalem. At ang sinumang hindi pupunta doon sa loob ng tatlong araw, kukunin sa kanya ang lahat niyang mga ari-arian at hindi na siya ituturing na kabilang sa mga tao na bumalik galing sa pagkabihag. Kaya sa loob ng tatlong araw, nagtipon ang buong mamamayan ng Juda at Benjamin, at naupo sila doon sa plasa ng templo ng Dios sa Jerusalem. Nangyari ito nang ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Nanginginig ang mga tao dahil napakaseryoso ng pinag-uusapan nila at dahil sa malakas na ulan. Pagkatapos, tumayo si Ezra na pari at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel. Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa PANGINOON ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.” Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo. Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas. Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Dios sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.” Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazea na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Meshulam at Shabetai na Levita.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ezra 10:1-15

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya