Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 47:1-12

Ezekiel 47:1-12 ASND

Pagkatapos, dinala ako ng tao sa pintuan ng templo, at nakita ko roon ang umaagos na tubig na papuntang silangan mula sa ilalim ng pintuan ng templo. (Ang templo ay nakaharap sa gawing silangan.) At umagos ang tubig pakanan, sa bandang timog ng altar. Pagkatapos, dinala ako ng tao sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa gawing hilaga. At inilibot niya ako sa labas patungo sa daanan sa silangan. Nakita ko roon ang tubig na umaagos mula sa gawing hilaga ng daan. Naglakad kami papunta sa gawing silangan sa tabi ng tubig, at patuloy siya sa pagsukat. Nang mga 1,700 talampakan na ang nalakad namin, pinalusong niya ako sa tubig na hanggang bukong-bukong. At nagsukat uli siya ng 1,700 talampakan at muli akong pinalusong sa tubig na hanggang tuhod na. Nagsukat pa ulit siya ng 1,700 talampakan at pinalusong akong muli sa tubig na hanggang baywang na. Nagsukat ulit siya ng 1,700 talampakan pero hindi na ako makalusong dahil malalim na ang tubig sa ilog at kailangan nang languyin. Sinabi ng tao sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti ang nakita mo.” At dinala niya ako sa pampang ng ilog na iyon. Nang naroon na ako, marami akong nakitang kahoy sa magkabilang pampang. At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na itoʼy dumadaloy sa lupain sa silangan papunta sa Araba papunta sa Dagat na Patay. Ang dagat na ito ay magiging sariwang tubig na at hindi maalat. At kahit saan ito dumaloy, marami nang isda at iba pang nabubuhay sa tubig ang mabubuhay dahil pinapasariwa nito ang maalat na tubig. Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat. Ngunit ang mga latian sa palibot ng Dagat na Patay ay mananatiling maalat para may makuhanan ng asin ang mga tao. Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ezekiel 47:1-12