Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ezekiel 16:15-63

Ezekiel 16:15-63 ASND

“Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo. Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari. Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya. Pinadamitan mo ang mga dios-diosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso. Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Panginoong DIOS, ang nagsasabi nito. “Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga dios-diosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila? Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga dios-diosan. Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo. “Ako, ang Panginoong DIOS ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo, nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga dios-diosan, doon sa mga plasa at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo. Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit. Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan. “At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan. Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan. “Ako, ang Panginoong DIOS ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan! Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo. Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo! Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo. Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga! “Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko! Ako, ang Panginoong DIOS, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila. Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo. Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita. Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad. Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada. Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig. Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo. “Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong DIOS, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan? “Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’ Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo. Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae. Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila. Ako, ang Panginoong DIOS na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae. Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan. Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo. “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo. Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila, para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo. Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae. Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo. Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito.” Ito pa ang sinabi ng Panginoong DIOS. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin. Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan. Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin. Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang PANGINOON. Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong DIOS, ang nagsasabi nito.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ezekiel 16:15-63

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya