Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 34:1-28

Exodus 34:1-28 ASND

Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, dahil susulatan ko ito ng mga salitang nakasulat sa naunang bato na binasag mo. Maghanda ka bukas ng umaga, at umakyat ka sa Bundok ng Sinai. Makipagkita ka sa akin sa itaas ng Bundok. Kailangang walang sasama sa iyo; walang sinumang makikita sa kahit saang bahagi ng bundok. Kahit na mga tupa o baka ay hindi maaaring manginain sa bundok.” Kaya tumapyas si Moises ng dalawang malalapad na bato gaya noong una. At kinabukasan, maaga paʼy umakyat na siya sa bundok ayon sa iniutos ng PANGINOON dala ang dalawang malalapad na bato. Bumaba ang PANGINOON sa pamamagitan ng ulap at binanggit niya ang kanyang pangalang PANGINOON habang nakatayo si Moises sa presensya niya. Dumaan ang PANGINOON sa harap ni Moises at sinabi, “Ako ang PANGINOON, ang mahabagin at matulunging Dios. Mapagmahal at matapat ako, at hindi madaling magalit. Ipinapakita ko ang pagmamahal ko sa maraming tao, at pinapatawad ko ang mga kasamaan nila, pagsuway at mga kasalanan. Pero pinaparusahan ko ang mga nagkakasala, pati na ang kanilang salinlahi hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon.” Nagpatirapa si Moises sa lupa at sumamba. Sinabi niya, “O PANGINOON, kung nalulugod po kayo sa akin, nakikiusap po akong sumama kayo sa amin. Kahit na matigas ang ulo ng mga taong ito, patawarin po ninyo kami sa aming kasamaan at mga kasalanan. Tanggapin po ninyo kami bilang inyong mga mamamayan.” Sinabi ng PANGINOON, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo. Sundin mo ang iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Itataboy ko ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo mula sa lupaing ipinangako ko sa inyo. Huwag kang gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing pupuntahan ninyo, dahil magiging bitag ito para sa inyo. Sa halip, gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, at putulin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios dahil ako, ang PANGINOON, ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga taong nakatira sa lupain na pupuntahan ninyo. Dahil baka matukso kayong kumain ng mga handog nila, at anyayahan nila kayo sa paghahandog at pagsamba nila sa kanilang mga dios. Baka mapangasawa ng mga anak nʼyo ang mga anak nila, na silang magtutulak sa kanila sa pagsamba sa ibang mga dios. “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ayon sa iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil iyon ang buwan nang lumabas kayo ng Egipto. “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, pati ang panganay na lalaki ng mga hayop ninyo. Maaaring matubos ang panganay na lalaki ng mga asno nʼyo sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tupa. Pero kung hindi ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong matubos ang mga panganay ninyong lalaki. “Walang makakalapit sa akin na walang dalang mga handog. “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-ani. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani kung mag-aani kayo ng mga unang ani ng trigo, at ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Katapusan ng Pag-ani sa katapusan ng taon. “Tatlong beses sa isang taon, pupunta ang kalalakihan ninyo sa mga pistang ito sa pagsamba sa Panginoong DIOS, ang Dios ng Israel. Itataboy ko ang mga mamamayan sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at palalawakin ko ang teritoryo ninyo. At walang sasalakay o aagaw sa bansa ninyo sa panahong lumalapit kayo sa akin na PANGINOON na inyong Dios. “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at kahit anong may pampaalsa. Huwag din kayong magtitira para sa susunod na araw ng karne ng tupa na handog ninyo sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel. “Dalhin ninyo sa templo ng PANGINOON na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani. “Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.” Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Isulat mo itong sinasabi ko, dahil ito ang tuntunin ng kasunduan ko sa iyo at sa Israel.” Naroon si Moises kasama ng PANGINOON sa loob ng 40 araw at 40 gabi na wala siyang kinain at ininom. Isinulat niya sa malalapad na bato ang mga tuntunin ng kasunduan – ang Sampung Utos.