Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 32:26-35

Exodus 32:26-35 ASND

Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa PANGINOON, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita. Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng PANGINOON, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng PANGINOON sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.” Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa PANGINOON; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.” Kaya bumalik si Moises sa PANGINOON at sinabi, “O PANGINOON, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.” Sumagot ang PANGINOON kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.” At nagpadala ang PANGINOON ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.