Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”
Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin. Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang PANGINOON, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang PANGINOON magpakailanman.”
At sinabi pa ng PANGINOON kay Moises, “Lumakad ka at tipunin ang mga tagapamahala ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang PANGINOON, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Egipcio sa inyo. Nangako ako na palalabasin ko kayo sa Egipto kung saan naghihirap kayo, at dadalhin sa maganda at masaganang lupain – ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.’
“Pakikinggan ka ng mga tagapamahala ng Israel. At pagkatapos, pumunta kayo ng mga tagapamahala ng Israel sa hari ng Egipto, at sabihin sa kanya, ‘Nagpakita sa amin ang PANGINOON, ang Dios ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan nʼyo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa disyerto para maghandog sa PANGINOON naming Dios.’ Pero alam kong hindi kayo papayagan ng hari ng Egipto maliban na lang kung mapipilitan siya. Kaya parurusahan ko ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga himalang gagawin ko sa kanila. At pagkatapos noon, papayagan na niya kayong umalis.
“Magiging mabuti sa inyo ang mga Egipcio, at pababaunan pa nila kayo sa pag-alis ninyo. Ang mga Israelitang babae ay manghihingi ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit sa mga kapitbahay nila na Egipcio at sa mga babaeng bisita nito. At ipapasuot ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga anak. Sa pamamagitan nito, masasamsam ninyo ang mga ari-arian ng mga Egipcio.”